Arum 'di inaalis ang pangambang makapagtala ng upset si Margarito
MANILA, Philippines - Ang mga intrigang bumabalot sa tagisan nina Manny Pacquiao at Antonio Margarito sa Nobyembre 13 ang siyang sinasandalan ni Top Rank promoter Bob Arum upang dumugin ang Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Tiwala ang 77-anyos na si Arum na mahihigitan ng laban ang 50,000 na nanood nang unang tumapak si Pacquiao sa Stadium at kinaharap ni Joshua Clottey nitong Marso.
“I have been in this business for over 45 years, and one thing I know is what sells in boxing,” wika ni Arum ng nakapanayam ng Fanhouse.com
Isa sa mga nagpapainit sa laban ay ang hangaring makabangon ni Margarito sa pagkakasuspindi ng isang taon.
Sa panig ni Pacquiao, nais naman ng taong mahihilig sa boxing na makita kung mayroong ilalabas pa ang 7-division world champion lalo nga’t mas malaki ng halos limang pulgada sa kanya ang 5’11 na si Margarito.
“What sells in boxing is when the champion Manny Pacquiao is up against an opponent who has some physical advantage over him and can possibly beat him. That intrigues the public,” dagdag pa ni Arum.
Bagamat nasabi na niya na nakikita niyang mananalo si Pacquiao, hindi naman niya inaalis ang posibilidad na makapagtala ng upset si Margarito.
Bukod sa determinasyong makabawi sa kahihiyang inabot ng madiskubre na may isiniksik sa balot ng kamay nito nang kinaharap at natalo kay Sugar Shane Mosley noong Enero 24, 2009, itinuturo rin ni Arum ang trainer na si Robert Garcia na posibleng maging susi sa asam na tagumpay.
“I know him in his entire professional career. I just knew once people will get to know Robert Garcia, they will realize what a class young man he is, a terrific trainer,” ani Arum.
Walang rematch sa labang ito kung kaya’t ang matatalo kina Pacquiao at Margarito ang magkakapagsabi kung gusto pa nilang magkaharap uli.
Para sa bakanteng WBC junior middleweight title ang paglalabanan nina Pacquiao at Margarito sa nasabing sagupaan.
- Latest
- Trending