3 Pinay napatalsik na sa ICTSI/ITF netfest

MANILA, Philippines - Hindi napanatili ni Ma­rian Jade Capadocia ang init ng paglalaro na ipina­kita sa second set upang matalo sa qualifier na si Ni­misha Mohan ng India upang katampukan ang di magandang kampanya ng Pilipinas sa ICTSI/ITF Women’s Circuit Week I kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.

Biglang nanlamig si Capadocia sa ikatlong set at naisuko ang unang apat na games sa laro para ma­tulungan ang katunggali na makuha ang momentum uli sa laro tungo sa 7-5, 3-6,6-1, kabiguan sa la­ba­nang tumagal ng dalawang oras at 15 minuto.

Bago si Capadocia ay nalampaso rin ang dala­wang iba pang wild card bets ng host country upang maiwan kay Marinel Rudas ang kampanyang maiwagay­way pa ang bandila ng bansa sa $10,000 torneo na ito na inorganisa ng Philippine Tennis Association (Philta).

Ang number two seeds sa kababaihan sa bansa na si Tamitha Nguyen ay yumukod kay German qualifier Jessica Sabeshinskaja, 6-2, 6-0, sa larong umabot lamang ng 55 minuto.

Ang dating number one player na si Christin­e Patrimonio naman ay wala sa kanyang tamang kondis­yon upang hiyain ni Fil-Ger­man Katharina Lehnert, 6-0, 6-0.

Si Rudas ay masasalang ngayon sa kanyang unang laro sa first round kontra kay Korean qualifier Kim Jung-Eun

Si Luksika Kumkhum ng Thailand at Tomoko Do­kei ng Japan ay umabante rin sa second round nang talunin ni Kumkhum si Kim Hae-sung ng Korera, 6-4, 6-4, at Ya Zhou ng China, 6-4, 6-3, ayon sa pagka­kasu­nod.

Show comments