MANILA, Philippines - Mabunga ang ginawang paglahok ng Pilipinas sa 2010 Malaysian Open Track and Field nang manalo ang anim ng inilaban ng tig-iisang gintong medalya na idinaos nitong Oktubre 30 at 31 sa National Sports Council training track sa Bukit Jalil, Kuala Lumpur, Malaysia.
Sina SEA Games gold medalist at lalahok sa Guangzhou Asian Games Henry Dagmil, Arniel Ferrera, Rene Herrera, Danilo Fresnido at Rosie Villarito ay nagdomina sa kanilang mga events habang si Sheena Atilano ang kumumpleto sa perpektong pagpapakitang-gilas sa delegasyong inilahok ng PATAFA at suportado ng Philippine Sports Commission.
Ang long jumper na si Dagmil ay lumundag sa layong 7.34m, si Ferrera ay nagtala ng 57.47m sa hammer throw, si Herrera ay naorasan ng 9:00.53 sa 3000m steeplechase, si Fresnido ay bumato sa layong 63.87m sa men’s javelin habang may 48.79m naman si Villarito sa women’s javelin.
Si Atilano na hindi kasama sa Asian Games ay nagtala naman ng bilis na 14.26 segundo para madomina ang 100m hurdles.
“Mabigat pa ang mga katawan nila dahil hindi pa kami nagte-taper off sa training kaya malayo ito sa kanilang mga personal best. Pero pagdating ng Asian Games ay mas maganda ang magagawa nila,” pagtitiyak ni national coach Joseph Sy na nakasama si Nixon Mas sa delegasyon.
Sa pagkakahablot ng anim na ginto, nakamit ng Pilipinas ang ikatlong puwesto sa overall medal tally buhat sa 14 kalahok.
Nanguna ang host Malaysia sa 12 ginto, 25 silver at 24 bronze medals habang ang Chinese Taipei ang pumangalawa sa 6 ginto, 1 silver at 4 bronze medals.
Ang Thailand, Saudi Arabia, Vietnam, United Arab Emirates, Sri Lanka, Hong Kong, Kazakhstan, Singapore, Morocco, Qatar at Iran ang kumumpleto sa mga lumahok sa dalawang araw na torneo.
Sina Marestella Torres na patok sa medalya sa Guangzhou, at Eduardo Buenavista ay hindi nakasama sa hanay ng mga maglalaro sa Asian Games dahil si Torres ay nagpapahinga sa tindi ng pagsasanay habang walang marathon ang inilaro sa Malaysia.