Bumagsak ang Alaska Milk
Matapos na magtala ng tatlong sunud-sunod na panalo, ang Alaska Milk ay nakalasap naman ng tatlong sunud-sunod na kabiguan.
Aba’y nakakaalarma ang ganitong sitwasyon na biglang kinasadlakan ng Aces. Kasi nga’y akala ng karamihan ay sharp na sharp ang tropa ni coach Tim Cone at maganda ang kanilang tsansang makasungkit ng ikalawang sunod na kampeonato matapos na mamayagpag sa nakaraang Fiesta Conference.
Kung titingnan nga kasing maigi’y hindi naman naging earth-shaking ang ilang pagbabagong naganap sa kampo ng Aces.
Una’y ipinamigay nila ang shooter na si Larry Fonacier sa Talk N Text kapalit ng fourth pick overall na ginamit nila sa pakuha kay Elmer Espiritu. Matapos iyon ay ipinamigay nila ang tenth pick ng draft sa Meralco Bolts kapalit naman ni Bonbon Custodio.
So, masasabing kahit paano’y may “upgrading” na nangyari sa kampo ng Aces. Nag-improve ang kanilang line-up kahit paano.
At ang improvement ngang ito’y nakita ng karamihan sa unang tatlong games ng Aces. Una’y dinurog nila ang Barako Bull, 88-64. Isinunod nila ang defending champion B-Meg Derby Ace, 92-87. At pagkatapos ay dinaig nila ang Rain or Shine, 88-80.
So, looking good talaga ag Alaska Milk bagamat hindi naman maituturing na heavyweights ang tinalo nila. Perennial tailender ang Barako Bull. Ang B-Meg, bagamat nagtatanggol na kampeon, ay hilahod dahil hindi nakapaglalaro sina Kerby Raymundo, Marc Pingris at Rafi Reavis. Katunayan ay nangungulelat ngayon ang Llamados. Ang Rain or Shine naman ay may internal na problema na mukhang naayos noong Linggo ng gabi.
Unang nagpabagsak sa Aces ang Air21 Express, 86-83. Pagkatapos ay naungusan sila ng San Miguel Beer, 99-97 sa pamamagitan ng last second drive ni Alex Cabagnot kontra LA Tenorio. At noong Linggo ay dinurog sila ng Talk N Text, 93-83.
Well, sa tatlong bumiktima sa kanila, may nagsasabing ang Air21 ang upset talaga. Kasi nga, sa nakaraang taon sa ninth overall ang Express. Pero nag-improve din ang line-up nito nangmakuha ang top three picks sa Draft. Isa pa’y kapado na ni coach Joseller “Yeng” Guiao ang kanyang koponan.
Pero siyempre, ang San Miguel at Talk N Text ang siyang top two teams ng torneo at kita naman ito sa tindi ng line-ups nila. Katunayan, silang dalawa’y sosyo sa pangunguna sa kasalukuyan. At nais nilang panatilihin ang kapit sa unang dalawang puwesto hanggang sa dulo ng 14-game elims para magkaroon ng twice-to-beat advantage sa susunod na yugto.
Iyon ngayon ang hinahabol ng Alaska Milk na bumagsak sa 3-3 record kasama ng Powerade Tigers. Bagamat very much possible na umangat ang Aces, aba’y kailagang mas matindng effort ang ipakita nila. At siyempre, kailangang hanapin ni Cone kung ano ang sanhi ng pagbaba ng level ng laro nila bago mahuli ang lahat.
Baka kasi matapos na magkaroon ng 3-0 record ay inakala ng Aces na “invincible” sila?
- Latest
- Trending