Johnson delikado na sa Patriots
MANILA, Philippines - Bukas ang Philippine Patriots sa ideya na pansamantalang palitan ang injured na si Anthony Johnson sa pagharap ng koponan laban sa Brunei Barracudas sa darating na Sabado sa Brunei indoor stadium.
Ayon kay Erick Arejola, hindi pa niya nakakausap ang mga may-ari ng koponan pero nasa isipan na niya ang bagay na ito lalo nga’t tila nararamdaman ng koponan ang hirap na manalo lalo na kung patuloy na mag-iisa si Donald Little
Sa laro nga ng nagdedepensang kampeon sa Satria Muda BritAma nitong Sabado sa Ynares Sports Arena sa Pasig ay dumaan sila sa butas ng karayom bago naitakas ang 75-69 panalo.
“Wala pang definite na plano lalo na kay Johnson pero we are looking at the bigger picture. Puwedeng maghanap kami ng pansamantalang replacement at kung okey na siya ay ibabalik siya uli,” wika ni Arejola.
Hindi man niya kinumpirma ay lumalabas ang mga pangalan ng mga dating PBA imports na sina Steve Thomas, Sam Monroe at James Penny bilang posibleng kapalit ni Johnson.
Wala namang reklamo si Arejola sa 6’10 na si Little na ayon sa kanya ay naibibigay sa koponan ang hinahanap nilang rebounding at shot blocks.
Maging si coach Louie Alas ay nagsabi ring dapat ng may desisyon na lumabas patungkol sa estado ni Johnson.
“Mahirap na maglaro ng away games kung isa lang ang import mo. Sunod nga namin na kalaban ay ang Brunei uli at malalakas ang kanilang mga imports,” wika pa ni Alas.
Ito ang ikatlo at huling pagkikita ng Patriots at Barracudas sa elimination round at may dalawang tagumpay na ang nailista ng Pilipinas pero sa huling tunggalian noong Oktubre 16 ay kinailangan nila dumaan sa overtime, 72-67.
May 5-0 karta ang Pilipinas habang ang Singapore Slingers at Chang Thailand Tigers ay magkasama sa ikalawang puwesto sa 3-2 karta. Nasa huling puwesto ang Westsports KL Dragon at Satria Muda BritAma ay mayroong 1-4 marka.
- Latest
- Trending