MANILA, Philippines - LUBBOCK, Texas--Magaang na tinalo ng Filipino sensation GM na si Wesley So ang kapwa GM na si Ray Robson ng America upang maagaw ang solong liderato sa 2010 SPICE (Susan Polgar Institute for Chess Excellence) chess championship sa University of Texas nitong Linggo dito.
Sa opening round pa lamang ay ipinakita na ni So ang kanyang panggigigil na maidagdag ang panibagong major international trophy sa kanyang koleksyon, nang pigilan si Robson sa 27 moves ng Sicilian para sa kanyang ikalawang sunod na panalo na naghatid sa kanya sa solong pangunguna taglay ang 7 puntos base sa unique scoring system na nagbibigay ng tatlong puntos para sa panalo, isang puntos sa draw at bokya naman para sa talunan.
Ginamit ng 17-anyos na si So, asam na malampasan ang kanyang 4th place finish sa prestihiyosong torunament na ito noong nakaraang taon, ang kanyang utak matapos na maisahan si Robson sa kanyang mga mahuhusay na sulong na naging daan para malito ang American.
Napilitang mag-resign si Robson makaraang magkamali sa 27.Bf8, at huli na ng kanyang napagtanto na naka-posisyon ang isa sa dalawa niyang rooks sa pagkatalo sa ikaapat na baytang.
“I like my chances now, although there are still seven games left,” ani So.
Bunga nito, taglay na ni So ang dalawang puntos na kalamangan laban sa top seed GM na si Zoltan Almasi (ELO 2707) ng Hungary at GM George Meier (ELO 2659) ng Germany sa 10-round category-16 tournnament na taunang inoorganisa ng four-time women’s world champion na si Susan Polgar.