HBO itutulak pa rin ang Pacquiao-Mayweather fight
MANILA, Philippines - Itutulak pa rin ng HBO ang pagkikita ng dalawang pinakamahuhusay na boksingero sa mundo na sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. sa 2011.
Ayon kay HBO president Ross Greenburg, handa siya na gumanap na mahalagang papel para matiyak na mangyayari ang pinakaaabangang laban sa pagitan ng dalawang hinirang na world pound for pound champions.
Matatandaan na si Greenburg ay tumayong tulay sa panig ng Top Rank at Golden Boy Promotions upang maikasa sana ang laban nina Pacquiao at Mayweather nitong Nobyembre.
Pero hindi kumagat si Mayweather dahilan upang mapapasok si Antonio Margarito bilang katunggali ni Pacquiao sa Nobyembre 13 sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
“I’m not giving up on it,” wika ni Greenburg sa panayam ng Boxingscene.
“We had two attempts at Floyd Mayweather and Manny Pacquiao and clearly that was a fight that if it could have been made, would have hit mainstream America hard,” dagdag pa nito.
Dahil sa laki ng laban kung kaya’t ayaw masayang ng HBO na hindi masilayan ang tagisan nina Pacquiao at Mayweather ng mga mahihilig sa boxing.
Pero para mangyari ito ay kailangang manalo muna si Pacquiao kay Margarito, habang si Mayweather naman ay dapat na malusutan ang patung-patong na kaso na isinampa sa kanya ng dating asawa.
Bukas man si Pacquiao sa pagharap kay Mayweather ay hindi pa naman niya ito iniisip dahil nga sa malaking hamon na hatid ni Margarito.
Masinsinan na ang kanilang pagsasanay sa Wild Card gym at sa linggong ito aminado si Pacquiao na pinakamahirap sa gagawing pagsasanay dahil buhos ang pagsasanay sa sparring bago ibaba na ni Freddie Roach ang lebel ng paghahanda sa susunod na linggo.
“Alam kong matindi ang motibasyon ni Margarito kaya naman pinagbubuti ko rin ang pagsasanay para sa mahalagang laban na ito,” wika nga ni Pacquiao.
Tiniyak din ng pambansang kamao na wala ng problema kung bilis sa pagsuntok ang pag-uusapan.
- Latest
- Trending