MANILA, Philippines - Binuksan ng nagdedepensang kampeon na Manila Sharks ang kampanya sa Dunkin’ Donuts Baseball Philippines Series VII sa pamamagitan ng 5-4 panalo sa Cebu Dolphins kahapon sa Felino Marcelino Memorial Field sa Taguig City.
Sinandalan ng Sharks ang pagkakasalo ng bagitong first baseman Paco Tantuico sa sana’y hit ni Miggy Corcuera upang makolekta ang ikatlong out sa huling inning at maipreserba ang isang run na kalamangan tungo sa 1-0 karta.
Bago ang pagpalo ni Corcuera ay nakatungtong sa second and first bases sina Fulgencio Rances at Jonash Ponce upang makapanakot na makatabla o makalamang pa sa huling palo sa top of the ninth inning.
“Isa siyang 16-year old at kinuha ko siya dahil alam ko ang kanyang husay dahil naglaro siya sa Alabang sa Junior Baseball. Siya ang masasabi kong steal sa draft,” wika ni Manila team manager Jhoel Palanog.
Kuminang din sa panalong ito ang beteranong pitcher na si Charlie Labrador at slugger Marvin Malig para mapangatawanan ng Sharks ang 2-1 panalo sa Dolphis sa finals ng Series VI sa torneong inorganisa ng Community Sports Inc. at suportado ng Dunkin’ Donuts.
Si Labrador ay pumasok sa fourth inning para halinhinan si Roy Baclay na nagbigay ng tatlong maagang runs sa unang inning, at nilimitahan nito ang Dolphins sa isang run sa anim na hits bukod sa pitong strikeouts.