MANILA, Philippines - Apat sa mga top-rated softbelles sa mundo ang makakasabayan ng Philippine Blu Girls sa kanilang paglahok sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Agad na makakaharap ng Blu Girls ang host China sa isa sa three-game bill sa Asian Games Town’s softball grounds.
“Mabigat agad ang laban kasi hosts agad ang makakaharap ng mga bata,” wika ni Amateur Softball Association of the Philippines operations manager Jun Veloso sa SCOOP Sa Kamayan weekly session noong Biyernes sa Kamayan Restaurant-Padre Faura.
“We’ve learned from several scouts that saw how the Chinese have been preparing that the hosts have formed their team as early as three years ago and that it is possible that they will send the same team that saw action in the 2008 Olympics in Beijing,” ani Veloso.
Bilang paghahanda sa 2010 Guangzhou Asiad, nakikipag-ensayo ang Blu Girls sa men’s team sapul nang mabuo noong Hulyo para sa nakaraang ASEAN championship sa Jakarta, Indonesia.
Matapos ang China, makakaharap ng Blu Girls ang Chinete Taipei sa Nobyembre 20, ang Thailand sa Nobyembre 21, ang Japan sa Nobyembre 22 at Korea Nobyembre 23.
Ang Blu Girls ay pamumunuan ni catcher Lovelyn Maganda na kinuha ang best hitter at best sluger honors sa ASEAN championship.
Tumapos ang Philippines ng 4th place sa nakaraang Asian championship sa likod ng eventual winner Japan, Chinese Taipei at China at ayon kay Francisco, inaasinta nila na makatapos ng hindi bababa sa third place sa quadrennial meet.