MANILA, Philippines - Pinatatag pa ng Pilipinas ang hangaring kauna-unahang titulo sa SEABA Women Championship nang pataubin nila ang nagdedepensang Thailand, 83-57, sa pagtatapos ng eliminasyon sa ikapitong edisyon na nilaro kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Nagbabagang opensa na sinahugan pa ng matibay na depensa ang puhunan ng national women’s team upang hiyain ang Thais at magkaroon ng mas magandang kumpiyansa papasok sa one game finals ngayon.
Tinapos ng Pilipinas ang eliminasyon taglay ang 4-0 karta at naniniwala si coach Haydee Ong na may mailalabas pa ang kanyang alipores sa mahalagang tunggalian nila ng Thais na itinakda ganap na alas-4 ng hapon.
Ang sentro ng Thailand na si Naruemol Banmoo ay mayroong 21 puntos pero hindi umubra ang puwersa nito sa ilalim sa outside shots ng Perlas ng Pilipinas.
Ang mga off the bench players na sina Sylvia Valencia at Angelie Gloriani ay gumawa ng tig-tatlong tres upang katampukan ang 11 of 14 shooting sa 3-point area.
Sa first half lamang naging mahigpitan ang labanan na kinakitaan ng 9 na tabla at 16 na palitan ng lamang.
Ang dalawang buslo sa free throws ni Eiamsum-Ang ang nagbigay sa Thais ng 30-28 kalamangan pero pinakawalan ni Valencia ang unang dalawang tres para katampukan ang 15-6 palitan upang makuha na ng bansa ang 43-36 kalamangan sa halftime.
Mula rito ay hindi na nakabawi pa ang Thailand na hindi na nga nakapuntos sa huling apat na minuto ng sagupaan dala ng matibay na depensa ng Pinas.
Tinalo naman ng Malaysia ang Singapore, 85-57, sa unang laro upang tapusin ang kampanya sa 2-2 karta at makuha ang karapatan na labanan ang Indonesia na may 1-3 baraha sa yugtong ito.