MANILA, Philippines - Nagbunga ang desisyon ni Jeson Patrombon na manatili sa paglalaro sa LTAT-ITF Junior Grade 2 nang manalo sila ni Uzbekistan partner Sergei Shipalov sa doubles tournament sa Nonthaburi, Thailand.
Bumuti na ang pakiramdam ng 17-anyos tubong Iligan City upang gumanda na rin ang pagkilos at magbunga ang ikalawang sunod na tambalan nila ni Shipalov sa kinuhang 6-3, 4-6, (10-7) panalo laban sa mga Thailanders na sina Nattan Benjasupawan at Warit Sornbutnark.
Seeded number two sa kompetisyon, makakaharap nina Patrombon at Shipalov sa quarterfinals match laban kina seven seeds Evgeny Karlovskiy at Mikhail Vaks ng Russia na umukit ng 6-7(1), 7-6(3), (10-3) panalo laban sa mga Australianong sina Nick Kyrgios at Jordan Thompson.
Naunang binalak ni Patrombon na umatras na sa torneo dala ng pagdapo ng lagnat at sipon dala ng mainit na klima sa Thailand.
Bago ang torneong ito ay sumabak muna sa Patrombon sa World Super Junior Tennis Championship sa Japan na malamig ang panahon.
Dito nagtambal sina Patrombon at si Shipalov at tumapos sila sa quarterfinals sa doubles event.
Mahabang pahinga at patuloy na pag-inom ng mga electrolyte drinks ang nakatulong upang mapadali ang pagbuti sa katawan ni Patrombon.
Dahil din sa pangyayari, si Patrombon ay tutuloy na rin sa paglahok sa Asian/Oceania Closed Championship sa Jeju, Korea mula November 2 hanggang 7.
Si Patrombon ay second seeds sa torneo kasunod ni Bowen Ouyang ng China.