MANILA, Philippines - Itinaas pa ni Rubilen Amit ang antas ng paglalaro nang talunin nito si Line Kjoersvik ng Norway, 8-2, para makapasok sa semifinals sa idinadaos na 2010 Yalin Women’s World 10-ball Championship sa Robinson’s Galleria.
Sinamantala ni Amit ang mga masasamang tumbok ng kalaban para makaabot sa semifinals at makakaharap nga niya ang dating world champion na si Ga Young-Kim ng Korea na tinalo ang kababayang si Eun Ji Park, 8-1.
Bago si Kjoersvik, kinailangan muna ng 28-anyos na si Amit, ang nagdedepensang kampeon ng torneo, na magpakatibay bago nalusutan sina Joanne Ashton ng Canada, 8-2, at Han Yu ng China, 8-7, na nilaro naman sa Nuvo City sa Libis, Quezon City.
Kay Yu muntik-muntikan ng namaalam si Amit matapos makaabante ang Chinese lady cue artist sa 6-7 iskor.
Pero may kung anong suwerte ang kumapit kay Amit dahil dalawang bola na lamang ang natitira para sa panalo ni Yu nang naisablay nito ang mahirap na tira sa 9-ball.
Madaling naipasok ni Amit ang object ball bago isinunod ang 10-ball para magtabla sa 7-all.
Magandang sargo naman ang nagresulta para sa madaling paghulog sa 10 bolang nakalatag upang umabante ang Pinay champion laban kay Kjoersvik.
Naniniwala naman si Amit na balikatan ang labanan nila ni Ga na mangyayari sa ikatlong pagkakataon sa kanilang mga careers.
“Mahusay siya at naghati kami sa tig-isang panalo sa unang dalawang pagkikita. Alam kong magkakasukatan kami rito,” wika ni Amit.
Si Amit na lamang ang natitirang kumakampanya para sa host country sa torneong sinahugan ng $75,000 at ang mananalo rito ay mag-uuwi ng $20,000.
Pinaglabanan naman nina Karen Corr ng Ireland at Jasmine Ouschan ng Austria at sina Kelly Fisher ng England at Li Jia ng China ang huling dalawang puwesto sa semifinals.