RP vs Thais sa SEABA finals
MANILA, Philippines – Pormal na kinuha ng RP women’s team at nagdedepensang Thailand ang puwesto sa finals sa 7th SEABA Women Championship nang magtala ng magkahiwalay na panalo sa kanilang mga laro kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Limang manlalaro ng Pambansang koponan ang tumipak ng mahigit na 10 puntos para makuha ng host team ang 82-46 panalo sa Indonesia tungo sa ikatlong sunod na panalo sa limang bansang torneo na inorganisa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Nauna rito ay nagpakita naman ng sapat na puwersa ang Thais tungo sa 83-47 pagdurog sa Singapore para sa 3-0 karta.
Ang dalawang bansa ay magtutuos sa pagtatapos ng elimination round at gagamitin ng mga koponang nabanggit ang mga matututunan sa laban para mas mapaghandaan ang Finals sa Biyernes.
“Ang laro bukas ang big day kaya titingnan namin kung ano ang ilalabas nila sa larong ito at saka kami gagawa ng adjustment para sa Friday,” wika ni coach Haydee Ong.
Limitadong minuto lamang ang ibinigay ni Ong sa kanyang mga starters pero hindi naman nakapekto ito dahil tunay na mas malalim ang bench ng Pilipinas sa Indonesia.
Si Diana Jose na bench player ang starter ni Ong sa larong ito at gumawa ito ng 15 puntos habang sina Aurora Adriano, Angeli Gloriani at Chovi Borja na hindi gaanong nababad sa laban sa Singapore at Malaysia ay nakakuha ng playing time at nagsanib sa 32 puntos.
Ang Thailand din ay nagtago ng mga batikang manlalaro pero apat pa rin sa kanila sa pangunguna ni Panurushthanon na mayroong 16 puntos kasama ang apat na tres, ay nag-ambag ng doble-pigura para makapagdomina ang nagdedepensang kampeon mula simula hanggang matapos ang laban.
- Latest
- Trending