MANILA, Philippines – Hindi umubra ang taktika ni Rubilen Amit ng Philippines laban sa tikas ng Chinese Taipei star na si Chen Tsai Pei at nalasap ang kanyang unang kabiguan sa pamamagitan ng 6-2 panalo ng huli sa pagpapatuloy ng World 10-Ball Championship sa Nuvo City Libis, Quezon City.
Binigyan ng 27-anyos na si Chen, ang reigning China 9-Ball Open champion, ang defending champion na si Amit ng mga magagandang tira upang tapusin ang kanilang laban sa Group 1 taglay ang malinis na 5-0 win-loss slate.
At ang isa sa pinakamaningning na tira ni Chen ay ng kanyang walisin ang limang sunod na racks na tinampukan ng tatlong dikit na combination mula sa 0-1 deficit tungo sa 5-1 pangunguna.
“She didn’t give me a chance,” dismayadong pahayag ni Amit na daraan sa knockout, round-of-24 bunga ng kanyang 4-1 kartada.
“When I got my chance, I couldn’t capitalize on it and blew it. She shot pretty well,” dagdag pa ni Amit, na nakipagtambal sa living legend na si Efren “Bata” Reyes at pagdomina noong nakaraang taong World Mixed Doubles Championship.
Ito rin ang ikalawang sunod na pananaig ni Chen kay Amit ngayong taon matapos na igupo ang Pinay sa China Open.