PSC kumpiyansa sa performance ng RP delegation sa Asiad
MANILA, Philippines - Kumpiyansa ang Philippine Sports Commission (PSC) na mapapaganda ng delegasyong sasabak sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China ang naging kampanya ng bansa noong 2006 sa Doha, Qatar.
“Considering the amount of time we spent and the resources that were made available and put together, I have a good feeling. Their spirits are high and that they’re looking forward to compete. They will give it their best shot,” wika ni PSC Commissioner Chito Loyzaga kahapon sa PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
Ang 6-foot-4 na si Loyzaga ay miyembro ng national basketball team ni Sen. Robert Jaworski, Sr. na nag-uwi ng silver medal sa 1990 Asian Games sa Beijing, China.
Nakatakdang ipamahagi ngayong araw ng PSC ang mga track suits ng 191 national athletes na lalahok sa 2010 Guangzhou Asiad na nakatakda sa Nobyembre 12-27.
“Malaki ang paniniwala ko sa mga atletang Pilipino,” sabi ni Loyzaga. “Ibibigay talaga nila ang lahat ng kanilang makakaya para manalo ng medalya. I will not give you numbers but my trust and faith is in our athletes.”
Sa 2006 Doha Asiad, sumikwat ang delegasyon ng apat na gold, anim na silver at siyam na bronze medals para tumapos bilang 18th-placer.
Kabilang naman sa mga inihabol na lahok ng Philippine Olympic Committee (POC) sa Guangzhou Asian Games Organizing Committee (GAGOC) matapos ang deadline noong Oktubre 30 ay ilang atleta mula sa shooting, chess at basketball.
“We submitted the applications of our late entries. But we have not received any confirmation from Guangzhou,” ani Moying Martelino, ang RP Team administrative chief at dating secretary-general ng Asian basketball Confederation (ABC).
- Latest
- Trending