Medina babanderahan ang mga kalahok sa Shell National Youth Active chessfest
MANILA, Philippines - Pangungunahan ni Vince Angelo Medina ang may 48 players na magpapasikatan para sa kampeonato sa kiddies at juniors divisions ng Shell National Youth Active Chess Championship na gaganapin sa Oktubre 23-24 sa event center ng SM Megamall sa Mandaluyong.
Tatangkain ni Medina, isa sa mga pambato ng FEU, na kunin ang kampeonato sa 20-and-under category matapos nitong pagharian noong isang taon ang kiddies side ng torneo na taun-taong itinataguyod ng Pilipinas Shell.
Inaasahan namang haharangin ng mga players ng San Sebastian (SSC), La Salle, Rizal Technological University (RTU) at University of San Jose-Recoletos at Univ. of San Carlos-Cebu (USC) ang ambisyon ni Medina na ma-sweep ang dalawang dibisyon sa magkasunod na taon.
Dadalhin ni Mari Joseph Turqueza, naghari sa NCR elims, ang kampanya ng mga taga-La Salle habang ang SSC at RTU ay sasandal kila Kristian Paulo Cristobal at Richelieu Salcedo sa junior category ng torneo na kinikilala ng National Chess Federation of the Phils.
Inaasahan ding magpapakitang-gilas ang mga regional leg winners na pinangungunahan nila Douglas Peres (Iloilo), Yves Fiel (Cebu), Jerwell Andoy (Cagayan de Oro) at Philip Leyson (Davao).
Nasa finals din ang mga pumangalawa at pumangatlo sa mga provincial elims ng torneo. Si NCR champion Jerad Docena, isa pang pambato ng FEU, ang mangunguna sa pagsikwat ng kampeonato sa kiddies division, na kinabibilangan ng mga leg winners.
- Latest
- Trending