MANILA, Philippines - Sa larong susukat sa husay ng nagdedepensang Philippine Patriots ay magagamit naman ng koponan ang serbisyo ng kanilang dalawang imports.
Si Anthony Johnson na lumiban sa huling dalawang laro ng Patriots ay magbabalik upang tulungan si Donald Little na harapin ang mga mahuhusay na imports ng Chang Thailand Slammers na kanilang makakatapat sa Sabado sa pagpapatuloy ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) na gagawin sa Bangkok, Thailand.
Kapwa may malinis na 3-0 karta ang magkabilang koponan kung kaya’t ang mananalo ang magsosolo sa liderato sa anim na koponang liga.
Si Johnson ay naghatid ng 24 puntos at may 12 rebounds upang tulungan ang tropang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco sa 71-62 panalo sa Brunei Barracudas sa unang laro.
Pero sinamang-palad na nagkaroon ng right hamstring injury si Johnson sa fourth period at ito ang nagtulak sa 6’6 forward upang hindi makalaro sa laban kontra sa Singapore Slingers at sa Barracudas uli na kapwa naipanalo ng koponan dala ng husay sa pagdepensa ng 6’10 na si Little.
“Hindi siya maglalaro ng mahabang minuto gaya ng dati pero inaasahan naming gagawin niya ang lahat upang matulungang manalo uli ang Patriots,” wika ni team manager Erick Arejola.
Malaking bagay ang pagbabalik ni Johnson dahil ang Slammers ay nahugot ang serbisyo ng dating Patriots import at Best Import ng nagdaang season na si 6’10 Jason Dixon upang isama sa masipag ding si Chris Daniel Kuete.