Rivera laglag sa 3rd place

TOULON, France - Nadulas sa ikatlong pu­westo ang pambato ng Pilipinas na si Biboy Rivera matapos ang malamyang 993 series ngunit nanatiling malakas ang tsansa para sa top 24 slots ng unang qualifying round ng 2010 Qubica AMF Bowling World Cup dito.

Sa kanyang pagkumpleto sa ikalawang araw ng tunggalian, si Rivera, ang 2006 World Masters titlist ay nagsumite ng 10-game total ng 2,174 para sa ave­rage na 217.40.

Bumandera naman sa unahan ang European Mas­ters champion na si Mads Sandbaekken ng Nor­way sa unang 1,200 series para sa total na 2,260 ng torneong ito na nilahukan ng 96 na bansa.

Ang Norwegian na si Sandbaekken ay pumuntos ng 233, 235, 290 at 243 para sa 1,207, lamang pa ng 154 pins sa kanyang unang tally na 1,153.

Sumunod naman sa ikalawang puwesto si Alejandro Reyna ng Costa Rica sa kanyang 2,200 habang si Joonas Jahi naman ng Finland ay nasa ikaapat sa kanyang 2,173.

Nasa ikalimang puwes­­to naman si Chim Gra­bows­ki ng Germany para sa 2,150 matapos na magtala ng kanyang ikalawang pinakamataas na 1,134 series habang nasa ikaanim naman ang Hapon na si Kazuyuki Sakamoto sa kan­yang 2,149.

Nangunguna naman sa women’s division ang Ma­laysian na si Wendy Chai sa kanyang 1126 at si Korean Gye Min Young na may 1,114.

Nahulog sa ikatlong puwesto si Holy Fleming ng Scotland sa kanyang 1,090 na sinundan ng taga-Dominican Republic na si Aumi Guerra na may 1,087, Helen Johnsson ng Sweden na may 1,056 at Natsumi Koizumi ng Japan na may 1039.

Si Apple Posadas naman na pambato ng Pilipinas ay nasa ika-17 puwesto sa kanyang 1,007 pins.

Nahinto ang kompetis­yon matapos ang unang dalawang men’s squads dahil sa construction problems sa Bowling de Provence, ngunit nagbalik ito nitong Martes ng gabi.

Show comments