Todong giyera ibibigay ni MargaÂrito kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ni Mexican boxer Antonio Margarito si Manny Pacquiao na magseryoso ito sa kanyang pagsasanay dahil mabibigla siya sa gabing magkaharap ang dalawa sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Hindi pinaniniwalaan ni Margarito ang mga ulat na wala pa sa tamang kondisyon si Pacquiao para sa kanilang tagisan sa Nobyembre 13 para sa bakanteng WBC junior middleweight title.
“I don’t listen to those type of things. All I can tell him is to train hard because he is going to be in a war,” wika ni Margarito sa panayam ng Fightnews.com.
Walang naging problema naman sa pagsasanay ni Margarito at naniniwala siyang hindi magagamit ni Pacquiao ang kinatatakutang lakas nito sa laki ng mga nakalaban na sa kanyang career.
“I don’t want to get over confident. But I have been sparring with junior middleweights and middleweights and they can’t hurt me. So I don’t think he can either. But I don’t want to be to confident regarding his power. I have to be ready,” dagdag nito.
Si Roberto Garcia ang siyang nagsasanay kay Margarito sa labang ito at naniniwala ang batikang trainer na hinahawakan din ang careers nina Brian Viloria at Nonito Donaire Jr., na may sapat silang alas upang talunin at biguin ang puntiryang ikawalong world title sa magkakaibang dibision ni Pacquiao.
“It’s going to be a great fight and I’m saying that it could turn into the Fight of the Year. But in the end, we’re gonna win,” pagtitiyak ni Garcia.
Susi para manalo ay ang walang tigil na pag-atake para hindi mapakawalan ni Pacquiao ang mga rapidong suntok ng Pambansang kamao.
Naunang nagpahayag ng pagkabahala ang mga mahahalagang opsiyales ng Team Pacquiao na sina Top Rank Bob Arum, trainer Freddie Roach at conditioning coach Alex Ariza sa itinatakbo ng pagsasanay ni Pacman.
Ang sinasandalan na lamang ng mga ito ay ang pagkakaroon pa ng sapat na panahon para mapaigi pa ang kondisyon ni Pacquiao.
Ang Team Pacquiao ay inaasahang nasa Manila na ngayon upang idaos ang huling tatlong araw ng pagsasanay sa bansa.
Sa Sabado ng gabi ay lilisanin na ng koponan ang Pilipinas para sa Los Angeles kung saan dito nila tatapusin ang paghahanda.
Sa plano nga ni Roach ay aabot sa 60 rounds ng sparring ang gagawin ni Pacquiao sa loob ng dalawang linggo bago magbaba ng pagsasanay sa linggo bago ang takdang sagupaan.
- Latest
- Trending