Patriots lusot sa Brunei sa OT
MANILA, Philippines - Kumunekta sa dalawang krusyal na tres si Jun Jun Cabatu sa regulation bago inako ni Egay Billones ang pagpuntos sa overtime upang makamit ng Philippine Patriots ang 72-67 panalo sa Brunei Barracudas sa pagpapatuloy ng AirAsia ASEAN Basketball League Season 2 nitong Sabado sa Brunei Indoor Stadium, Brunei.
Tumapos si Cabatu taglay ang nangungunang 16 puntos, kasama ang apat na tres.
Dalawa nga rito ay ibinagsak sa huling 26 segundo upang makabangon ang Patriots buhat sa 55-61 pagkalubog at maihirit ang overtime.
Huling tabla sa laro ay nangyari sa 67-all sa tres ni Chester Tolomia bago pinakawalan ni Billones ang isa pang tres upang tuluyang maibigay sa Patriots ang momentum at panalo.
Nagtapos si Billones taglay ang 14 puntos at kalahati rito ay ibinuhos sa overtime.
Ito ang ikalawang sunod na tagumpay ng Patriots sa Barracudas matapos ang 71-62 panalo sa Ynarez Sports Arena noong Oktubre 3.
Higit dito, naisulong ng Patriots ang panalo sa 3-0 karta upang manatiling magkasalo sa liderato ng Chang Thailand Slammers na dinurog naman ang Satria Muda BritAma, 84-63.
“Masaya ako sa ipinakita ng mga locals dahil nagdeliber sila,” wika ni Patriots coach Louie Alas na naisantabi rin ang pagkawala ni Donald Little dala ng foul sa huling 3:45 sa extra period.
Si Little ay nagtala ng 14 puntos 13 rebounds at 3 blocks bago napatalsik sa laro.
Siya lamang uli ang bumalikat sa koponan dahil patuloy na na sa injury list si Anthony Johnson dala ng pulled hamstring sa kanang binti.
Nalaglag naman sa 0-3 ang Barracudas at naunsiyami ang unang paglalaro sa harap ng mga kababayan.
May 14 puntos at 11 rebounds si Chris Commons para pamunuan ang apat na manlalarong naghatid ng 14 puntos.
Pero ininda ng host team ang katiting na apat na puntos ng isa pang import na si Chris Garnett na may masamang 0-of-9 shooting sa field upang malalag pa sa team standings.
- Latest
- Trending