Kung mayroong positibong nangyayari sa hindi paglalaro ng mga big men na sina Kerby Raymundo, Marc Pingris at Rafi Reavis sa kampo ng B-Meg Derby Ace, ito’y ang muling pagdiskubre ng talento ni Jondan Salvador na sa mga nakaraang taon ay halos nabangko na.
Si Salvador ngayon ang starting center ng defending champion Llamados kahit pa “undersized” siya sa posisyong iyon. Ginagamit na lang niya ang kanyang lapad kontra sa mas matatangkad na kasagupa sa shaded area. At kahit paano’y nagtatagumpay siya.
Sa unang dalawang games, si Salvador ay nag-average ng 8.5 puntos, 9.5 rebounds, 1.5 assists, 0.5 blocked shot at 1.5 errors sa 29 minuto.
Siya ang leading rebounder ng Llamados. Ang second leading rebounder nila ay ang 2009-10 Rooke of the Year na si Rico Maierhofer na mayroong 9.0. Ironically, ang third leading rebounder nila ay isang guwardiya. Si Jonas Villanueva, na nakuha ng B-Meg Derby Ace sa San Miguel Beer kapalit ni Paul Artadi ay may 5.5 rebounds kada laro. Bukod dito, si Villanueva pa ang kanilang leading scorer (17.5 puntos).
Sa kanilang unang game kontra Talk N Text, kung saan natalo sila, 87-76, si Salvador ay nakipagduwelo kay Ali Peek na kagaya niya’y malapad ang katawan. Sa larong ito’y gumawa siya ng siyam na puntos at pitong rebounds.
Kontra sa Alaska Milk noong Miyerkules, si Salvador ang itinapat sa mas matangkad na si Joachim Thoss na nanungkit ng 21 rebounds. Aba’y ang hirap naman talagang makipagsabayan kay Thoss na mahaba pa ang galamay. Pero si Salvador ay nagtapos ng may walong puntos at 12 rebounds. Na okay na rin.
Kung tutuusin nga’y sa haba ng inilalagi ni Salvador sa bench sa mga nakaraang seasons, baka akalain ng karamihan na kakalawangin na ito. O baka nga iniisip ng ilan na hindi na siya kailangan ng B-Meg Derby Ace at puwede na siyang palitan ng iba’ng mas batang sentro.
Pero kahit na karampot lang ang playing time niya sa mga nagdaang seasons ay “sharp na sharp” pa rin ang kundisyon ni Salvador at tuwing ipinapasok siya ng dating coach nilang si Paul Ryan Gregorio ay nagde-deliver siya. At ngayon nga’y sa kanya ipinagkatiwala ng bagong coach ng B-Meg Derby Ace na si George Galent ang pagpatrulya sa shaded area. Kaya naman halos triple o times four ang itinaas ng kanyang number. Kung magugunita, si Salvador, na isang standout buhat sa College of St. Benilde, ay kinuha ng Purefoods sa first round ng draft noong 2005-06. Hindi na siya itinuring na amateur noon kasi naglaro siya sa defunct Metropolitan Basketball Association. So pro na siya bago umakyat sa PBA. Kaya hindi na siya eligible para sa Rookie of the Year award.
Matapos ang unang conference ay pinakikiusapan ng Purefoods ang PBA na ikunsidera si Salvador para sa ROY award. Pero naging moot and academic ang lahat nang magtamo ng injury si Salvador at halos hindi niya nakumpleto ang kanyang unang season sa PBA. Bale 26 games lang ang kanyang nilaro kung saan nag-average siya ng 7.8 puntos --pinakamatas sa kanyang career. Hindi na siya nakabawi mula noon.
Pero ngayon, malamang na bumawi na siya nang husto.