MANILA, Philippines - Mga chess players na tutulak sa Guangzhou China para sa 16th Asian Games ang mangunguna sa mga kalahok sa anim-kataong torneo mula ngayon sa Fischer Farm Resort sa Dasmariñas, Cavite.
Si Super GM Wesley So kasama si Tuguegarao Open GM Rogelio Antonio Jr. ang mangunguna sa mga kasali sa patimpalak na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines bilang bahagi ng pagsasanay ng mga national players na kakampanya sa Asian Games.
Sina GMs John Paul Gomez, Darwin Laylo at Eugene Torre at IM Oliver Barbosa ang kukumpleto sa maglalaro na sasailalim sa isang round robin mula ngayon.
Sina Gomez, Laylo at Torre ay kasama nina So at Antonio sa Guangzhou na kung saan sinasabing palaban ang mga ito sa ginto sa individual at team event.
Si Antonio ay ibinalik sa koponan matapos tanggalin sa World Chess Olympiad dala ng pagkapanalo nito sa Tuguegarao at ang masamang pagpapakita ng chess team na kinumpleto ni IM Richard Bitoon.
Nasama naman si Barbosa dahil sa pagkakalapag nito sa ikatlong puwesto sa Tuguegarao.
“Magandang tune-up ito para sa ating koponan na maglalaro sa Asian Games. Kailangang nasa magandang kondisyon ang mga players natin upang makasabay sa mga malalakas na manlalaro lalo na mula sa host China,” wika ni NCFP president Prospero Pichay.
Ang limang araw na torneo ay isinunod sa SPICE tournament sa Texas, USA na kung saan tatlong puntos ang ibinibay sa bawat panalo, isang puntos sa tabla at walang puntos sa talo.
Ang tatanghaling kampeon naman ay magkakaroon ng gantimpala na ipagkakaloob ni Pichay.