BAGUIO CITY, Philippines - Nakatakda nang painitin ni World Boxing Association world light welterweight division champion Amir Khan ang kanilang sparring session ni Manny Pacquiao sa susunod na linggo.
Kasabay ng kanyang paghahanda para sa kanyang title defense kay Argentinian Marcos Maidana sa Disyembre sa La Vegas, Nevada, si Khan ang magiging kapalit ni Julio Cesar Chavez Jr.
Si Khan (23 wins, 1 loss, 17 knockouts) ay sumabay kay Pacquiao sa pagtakbo ng walong ikot sa Phil. Sports Commission Track Oval sa Teachers Camp kahapon ng umaga at sinabing “since I arrive last week I already started conditioning to get into shape.”
Nakatakdang labanan ni Pacquiao si Antonio Margarito para sa bakanteng World Boxing Council light middleweight title sa Nobyembre 13.
Sinabi naman ni four-time Coach of the Year Freddie Roach na inaasahan niyang makakasama sa sparring ni Pacquiao si Chavez sa kanilang pagdating sa Los Angeles.
Limang rounds ang ibinuhos ni Pacquiao laban kay Dominican Glenn Tapia noong Huwebs at tatlong rouds naman kay Mexican Michael Medina.
Hiniling na ni Pacquiao kay Roach na si Khan ang isa sa kanyang maging sparmates dahilan sa taglay nitong hand speed na ipantatapat niya sa 5-foot-11 na si Margarito.
“Next week we’ll be having sparring with Manny, so Freddie Roach told me to get my timing and condition before stepping into the ring,” wika ni Khan.
Inaasahan na ring darating sa bansa si Armenian Vanes Martirosyan (28-0, 17 KOs) diretso sa kampo ng pound-for-pound king.