Margarito madaling laban para kay Pacquiao - Salud

MANILA, Philippines - Madaling laban si Antonio Margarito para kay Manny Pacquiao.

Ito ang binigkas ni Rex “Wakee” Salud upang tabunan ang mga pangamba na mapapahirapan si Pacquiao ni Margarito lalo nga’t kalat ang balitang tila di siya seryoso sa pagsasanay sa Baguio City.

“Manny is the overwhelming favorite here. That’s the way I see it,” wika ni Salud. “Margarito’s last fight against Roberto Garcia was nothing.”

Paglalabanan nina Pacquiao at Margarito ang bakanteng WBC junior middleweight title sa Cowboy’s Stadium sa Texas sa Nobyembre 13.

Kasabay ng pagtiyak ni Salud na madaling panalo ang mapupunta kay Pacquiao ay ang pagpapalabas din ng mga larawan ni Margarito sa kanyang pagsasanay na ginagawa sa Oxnard, California.

May isang larawan na nagsisibak ng kahoy ang 5’11 Mexican boxer upang ipakita ang kanyang lakas na ipi­nipreserba sa paghaharap nila ni Pacquiao.

Si Pacquiao naman ay nagsasanay sa Baguio pero makailang-ulit na siyang bumaba sa Maynila tuwing sasapit ang Sabado.

Nakadalawang pagliban na rin siya sa pagsasanay at tila mas hinaharap ang paglalaro ng basketball.

Nakipag-usap naman na si Pacquiao sa kasapi ng kanyang koponan at ipi­nangakong hindi na niya gagawin ang mga ito mula sa linggong ito at sa halip ay buhos ang isipan sa preparasyon kay Margarito.

Sinabi na ni Roach na kung nasa kondisyon si Pacquiao ay nakikita niyang tatagal lamang ang labanan sa loob ng walong rounds. Kinontra naman ito ni Margarito sa pagsa­sabing sa 11th round KO matatapos ang bakbakan pabor sa kanya.

Isa sa nagpapaigting kay Margarito ay ang ha­nga­ring maialis sa isipan ng tao ang isang taon suspension na naipataw sa kanya nang madiskubre na may illegal na bagay sa balot ng kamay ng kinaharap at natalo kay Sugar Shane Mosley noong 2009.

Show comments