Garcia, Loyzaga tiwalang malalampasan ng RP athletes ang performance sa Doha Asiad
MANILA, Philippines - Hindi dapat ikagulat kung mahigitan ng Pilipinas ang apat na ginto, anim na pilak at siyam na bronze medals na napanalunan sa Doha sa gaganaping 16th Asian Games sa Guangzhou China.
Kahit salat sa oras para makapaghanda, naniniwala ang mga opisyales ng Philippine Sports Commission (PSC) na mas makinang ang maipapakita ng Pambansang delegasyon na ilalahok sa torneo na nakatakda mula Nobyembre 12 hanggang 27.
Sa pagdalo nina PSC chairman Ricardo Garcia at commissioner Chito Loyzaga sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon, hindi sila nagbigay ng anumang prediksyon maliban ang katiyakang mas maganda ang maitatala na pagtatapos sa Doha dala na rin sa mga nakukuhang ulat sa mga atleta.
“I can’t predict how many gold medals we will win but in general, I think we’ll be performing better than the last Asian Games,” wika ni Garcia na suportado ni Loyzaga.
Umaasa man na lahat ng lalahukang sports ay makakapaghatid ng gintong medalya, sa larong boxing, billiards, chess, taekwondo at wushu nakikita ni Garcia na aani ng karangalan ang Pambansang kalahok.
Halos nasa 240 na ang bilang ng atleta at ang PSC ay gagastos ng P80,000 hanggang P90,000 kada atleta sa paglahok nito sa Guangzhou.
Tiniyak naman ng mga PSC officials na sapat ang P30 milyong pondo para sa aktuwal na paglahok habang ang mga kagamitan tulad ng mga bagahe at mga uniporme ay maaari nang ipamigay mula Oktubre 27.
Ang Sendoff din ay nakaporma na sa Nobyembre 5 kasama ng First Friday Mass ng POC sa Ultra, Pasig City.
Si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino at Bise Presidente Jejomar Binay ang mga inaasahang mangunguna upang magbigay ng pananalita sa hangaring maitaas ang morale ng mga lalahok sa kompetisyon.
- Latest
- Trending