MANILA, Philippines - Tatangkain ng defending champion Wang’s Ballclub na makamit ang ikaapat na panalo sa limang laro sa gagawing pakikipagtuos laban sa Lyceum of the Philippines sa tampok na laro sa MBL Invitational (Second Conference) basketball championship sa Lyceum gym sa Intramuros ngayong gabi.
Magsisimula ang laro sa alas-8:30 ng gabi, na kung saan bahagyang pinapaboran na magwagi ang Wang’s Ballclub (3-1) ni businessman-sportsman Alex Wang laban sa Lyceum (2-1) sa inaasahang magiging kapana-panabik na laro sa nine-team tournament na itinataguyod ng Smart Communicaitons, Dickies Underwear at PRC Managerial Sercices.
Bago ang naturang laro ng Wang’s at Lyceum, magtutuos naman ang Star Group of Publications (2-2) at Philippien Air Force (0-4) sa alas- 7 ng gabi.
Ang Star Group nina manager Mike Maneze at coach Rene Recto ay inaasahang magpapasiklab ng husto laban sa Air Force, na hindi pa nakatitikim na panalo matapos ang apat na laro.
Bagamat galing sa talo sa kamay ng Lyceum, 94-99, noong Oktubre 5, ang Starmen ay babawi ng husto sa pamamagitan nina Dennis Rodriguez,Jong Bondoc, Lester Reyes, Gio Coguilla, Bong Martinez, Ver Roque at Gerald Ortega para isulong ang kanilang kartada.
Ang Air Force, na ginigiyaan ni playing coach Alvin Zuniga, ay aasa ng isang higanteng upset sa tulong nina Vin Idanan at iba pang mga beteranong players.
Samantala, sumandal ang Hobe Bihon sa isang balanseng atake upang gupuin ang Rizal Technological University, 112-83, nung Sabado ng gabi para sa ikatlong dikit na panalo.
Sa isa pang laro, nagwagi naman ang Royale Business Club laban sa EJM Pawnshop, 84-80.