Stags kontra Red Lions sa NCAA Finals

MANILA, Philippines - Hindi pinayagan ni John Raymundo na hindi maging maningning ang huli niyang taon sa NCAA.

Pinakawalan ni Raymundo ang sampung sunod na puntos sa puntong tila nakuha na ng Jose Rizal University ang momentum sa laro upang kunin ng nagdedepensang San Sebastian ang 61-52 panalo sa stepladder semifinals at sikwatin ang ikalawang finals seat sa 86th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Matapos makumpleto ni Ian Sangalang ang 3-point play kay Cameroonian center Joe Etame upang maitabla sa huling pagkakataon ang iskor sa 46-46 ay saka nagdomina ang beteranong point guard na si Raymundo.

Kinapitalisa nito ang pagkakalagay sa penalty situation ng Heavy Bombers galing sa 8-of-9 shooting upang tuluyang ilayo ang Stags sa 56-47.

“Gumawa kami ng adjustments sa depensa at sinabi ko kay Raymundo na mag-take charge na. Alam ko ang kapasidad niya at ipinakita naman niya ang kanyang pagiging lider at pagkabeterano,” wika ni SSC head coach Ato Agustin.

Tinapos ni Raymundo ang laro mula sa kanyang 14 points, 5 assists at 3 steals para maikasa ng San Sebastian ang tunggalian nila ng San Beda para sa kampeonato.

San Sebastian 61- Raymundo 14, Sangalang 13, Abueva 10, Pascual 8, Semira 7, del Rio 5, Gatchalian 4, Bulawan 0, Najorda 0.

Jose Rizal 52- Hayes 10, Matute 9, Almario 8, Etame 8, Lopez 6, Njei 5, Bulangis 4, Montemayor 2, Badua 0, Apinan 0, Kabigting 0.

Quarterscores: 14-12; 28-20; 39-35; 61-52.

Show comments