MANILA, Philippines - Isang gintong medalya ang maihahatid ng dragonboat team sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Ito ang pangakong binitiwan ni Philippine Dragon Boat Federation(PDBF) president Marcia Cristobal kahapon.
Ibinase ni Cristobal ang mga tagumpay na naitatala ng national paddlers sa mga malalaking kompetisyong sinalihan nito.
Ang national men’s squad at mixed team ay tinanghal na world champions nang manalo sa idinaos na 9th IDBF World Dragon Boat Championships sa Prague, Czech Republic noong 2009.
Itinala ng grupo ang bagong world record time na 40.022 at 43.507 segundo.
“May track record na kami at hindi kami pumapalya sa pagbibigay ng karangalan sa bansa,” sabi ni Cristobal sa pagdalo sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura, Manila.
“Mabigat na laban sa 2010 Asian Games lalo na sa China pero naniniwala akong kaya naming manalo ng kahit isang ginto,” dagdag pa nito.
Pero bago opisyal na mapasama sa pambansang delegasyon, sasailalim muna sa time trial ang dalawang koponan sa Lunes sa La Mesa Dam sa Quezon City.
Kailangang maabot ng men’s team ang tiyempong 44.74 segundo sa 200-meter, 1:55.70 sa 500m at 5:07 sa 1000m, habang ang qualifying time sa women’s category ay 49.07 segundo, 2:06.85 at 6 minuto sa 200m, 500m at 1000m distansya, ayon sa pagkakasunod.