MANILA, Philippines - Nananalig ang organizers ng 10.10.10 Run for Pasig River na makakalikom sila ng P10 hanggang P12 milyong pondo matapos isagawa ang patakbo sa Linggo na magtatapos sa SM Mall of Asia sa Pasay City.
"We are targetting P10 to 12 million net proceeds from this race. We hope we can raise the amount because it will go to the cleaning of the Estero de San Miguel located near Malacañang and for the Bayan ni Juan in Calauan, Quezon," wika ni Gina Lopez, managing director ng ABS-CBN Foundation sa huling media briefing na ginawa sa Manila Peninsula noong Martes.
Record-breaking na 120,000 runners na balak maitala sa tatlong kategorya ang asam na magawa ng nagpapatakbo upang mabura ang kasalukuyang record na 110,000 na nangyari noon pang 1988 sa "Bay to Breakers" race sa San Francisco, USA.
Kung sa registration ng kalahok ang pag-uusapan ay lampas na ang bilang ng mga tatakbo sa target record dahil pumalo na sa 70,516 ang kalahok sa 3k, 31,209 runners sa 5k at 7,980 naman ang tatakbo sa 10K.
Ang El Shaddai Movement naman ay maglalahok ng 50,000 na nagpalobo sa mahigit na 159,000 runners.
"Sana ang lahat ng mga nagpa-register ay darating sa Linggo dahil kung ma-break natin ang record ay maipapakita natin sa mundo na nagkakaisa tayong lahat sa hangaring malinis ang Pasig River," wika pa ni Lopez.
Walang oras na ibibigay sa runners ang organizers pero ang mangungunang tatlong runners sa nasabing mga dibisyon ay tatanggap ng P5000, P3000 at P2000 bukod sa mga medalya.
Sa Diokno corner Bayshore Boulevard sa SM Mall of Asia magsisimula ang 3K, sa Vicente Sotto corner Magdalena Jalandoni sa CCP Complex naman ang 5K at sa Ayala corner Makati Avenue naman ang starting point sa 10k.