Llamados sisimulan ang pagdedepensa ng titulo
MANILA, Philippines - Sisimulan ng B-Meg Derby Ace ang kanilang pagtatanggol sa korona sa pakikipagkita sa Talk ‘N Text ngayong alas-7:30 ng gabi sa 2010-2011 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Hindi makakalaro sina Kerby Raymundo, Marc Pingris at Rafi Reavis para sa Llamados dahilan sa injury, habang tinamaan naman ng dengue si Romel Adducul.
Ang kapalaran ng Derby Ace, mamandohan ni Jorge Gallent na sinalo ang naiwang posisyon ni head coach Ryan Gregorio matapos lumipat sa Meralco, ay inaasahang papasanin ni two-time PBA MVP James Yap.
Si James Yap ay nanggaling rin sa isang minor operation para tanggalin ang kanyang nasal polyp.
Makakatuwang ni James Yap para sa Llamados sina Roger Yap, Rico Maierhofer, Jonas Villanueva, Peter June Simon, Niño Canaleta, Jerwin Gaco, Chris Timberlake, Don Allado at Jondan Salvador.
Ang 6-foot-3 na si Gaco, naglaro sa La Salle Green Archers sa UAAP, ay isang free agent, habang nakuha naman ng Derby Ace si Villanueva mula sa San Miguel kapalit ni Paul Artadi.
Babanderahan naman nina Kelly Williams, Jimmy Alapag, Ryan Reyes, Harvey Carey at Jason Castro ang Tropang Texters ni Chot Reyes makaraang dalhin si Macmac Cardona sa Bolts ni Gregorio sa offseason.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon, maglalaban ang Rain or Shine at Powerade, dating Coca-Cola na nagharap sa knockout games sa nakaraang tatlong torneo.
- Latest
- Trending