MANILA, Philippines - Matapos ang 21 taon na makulay na professional boxing career, handa nang isabit ni dating world boxing champion Gerry “Fearless” Peñalosa ang kanyang boxing gloves.
Nakatakdang labanan ng 38-anyos na si Peñalosa ang 22-anyos na si Yodsaenkeng Kietmangmee ng Thailand sa Oktubre 10 sa Zamboanga City Coliseum.
“Kumbaga kuntento na ako sa mga na-achieve ko sa boxing. Masaya na ako sa mga nakuha kong karangalan sa boxing at pinag-usapan na namin ang desisyon kong mag-retire,” ani Penalosa kahapon sa PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila. “Although mahal na mahal ko ang boxing, gusto ko sana mag-retire as a champion pero ‘yung suwerte parang nawala na sa akin kagaya nu’ng last fight ko kay Eric Morel.”
“Napag-isipan ko na ibigay na lang sa ibang boksingero ‘yung break na maging isang world boxing champion,” dagdag pa ng 5-foot-4 southpaw fighter.
Nagtala si Peñalosa ng 54-8-2 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs na tinampukan ng pagkakampeon niya sa World Boxing Council (WBC) super flyweight class noong Pebrero 20, 1997 via split decision kay Hiroshi Kawashima ng Japan sa Tokyo, Japan.
Inagaw naman ng tubong San Carlos City, Cebu ang dating suot na World Boxing Organization (WBO) bantamweight belt ni Mexican Jhonny Gonzales via seventh-round KO noong Agosto 11, 2007 sa Sacramento, California.
Ilan sa malalaking talo ni Peñalosa ay kina Mexican Daniel Ponce De Leon (unanimous decision) para sa WBO super bantamweight belt noong Marso 17, 2007 at kay Puerto Rican Juan Manuel Lopez (retired-10th round) noong Abril 25, 2009.
Nagpilit si Peñalosa na makabalik ngunit natalo siya kay Eric Morel via split decision noong Pebrero 13, 2010 para sa interim WBO bantamweight title.
Kinonsulta na rin ni Peñalosa ang kanyang kumpareng si Manny Pacquiao hinggil sa kanyang desisyon.
“Nakausap ko siya recently sa Congress,” ani Peñalosa sa kanyang kumpare. “Sabi ko sa kanya hindi na ako magtatagal. Sabi niya mag-usap daw kami dahil marami siyang projects.”