RP chessers tumapos bilang 50th-placer sa 39th Chess Olympiad
KHANTY-Mansiysk, Russia --- Nagtapos sa 50th place ang Philippine team sa katatapos na 39th World Chess Olympiad dito kahapon.
Natalo si IM Richard Bitoon (ELO 2447) kay Aleksandr Volodin (ELO 2433) sa closing round na naglaglag sa 37th-seed RP squad sa 1.5-2.5 kabiguan kontra 48th seed Estonia.
Nakipag-draw naman sina Grandmasters (GMs) Wesley So (ELO 2668), John Paul Gomez (ELO 2527) at Darwin Laylo (ELO 2522) kina GM Kaido Kulaots (ELO 2592), GM Meelis Kanep (ELO 2532) at IM Olav Sepp (ELO 2485), ayon sa pagkakasunod.
Sa kabuuan, nakalikom ang Nationals ng 12 match points matapos ang 11 rounds ng torneo.
Sa katunayan, nakisalo ang mga Pinoy sa 49th hanggang 63rd places ngunit matapos ang Sonneborn-Berger tiebreak, napunta ang RP team sa 50th place na pinakamasama na nilang pagtatapos sa naturang biennial meet.
Tumapos ang Nationals sa 46th sa 38th edition ng Chess Olympiad sa Dresden, Germany na pinagharian ng Armenia.
Itinala ng mga Filipino ang pinakamaganda nilang kampanya noong 1988 sa Thessaloniki, Greece mula sa pag-akyat sa 7th place.
Tinanghal naman ang second seed Ukraine (19 match points) bilang overall champion matapos ungusan ang top seed Russia 1 (18 match points), Israel (17 match points) at Hungary (17th match points).
Sa women’s division, pinayukod naman ang 52nd seed na Filipina woodpushers ang 61st seed Brazil, 2.5-1.5.
Umakyat sa 44th place ang mga Pinay.
- Latest
- Trending