Telan hinugot ng Talk N Text
MANILA, Philippines - Dahil sa pagkawala dala ng injury kay Ranidel de Ocampo kung kaya’t kinuha uli ng Talk N’ Text ang beteranong si Mark Clemence Telan para tulungan ang kampanya ng koponan sa Philippine Cup na magbubukas sa Linggo sa Araneta Coliseum.
Tatlong buwang kontrata ang ibinigay ng Tropang Texters sa 6’6 center na si Telan upang pansamantalahang punuan ang kakulangan ng malaking manlalaro ng koponan sa panimula ng PBA conference na hudyat ng pagsisimula ng 36th season.
Ang 6’6 na si De Ocampo ay nagpapagaling pa sa operasyon sa dalawang paa na tinanggalan ng bone spurs.
Mapipilayan pa ang Talk N’ Text bandang Nobyembre dahil ang 6’6 Fil-Am na si Kelly Williams ay maglalaro naman sa Gilas National team para sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Si Telan ay huling naglaro sa Rain Or Shine noong nakaraang season at nagtala ito ng pinakamababang output sa kanyang PBA career na 3.7 puntos kada laro.
Makakatulong ni Telan sa pagharap sa mga frontliners ng makakalabang koponan sina Harvey Carey, Ali Peek at Gilbert Lao.
Ang unang laro ng Tropang Texters ay laban sa B-Meg Derby Ace Llamados sa Miyerkules sa Araneta Coliseum.
Samantala, ang inalisang koponan ni Telan na Rain Or Shine ay puspusan na ring naghahanda para sa nalalapit na Philippine Cup.
Pangunahing ginagawa ni coach Caloy Garcia ang mahubog bilang isang koponan ang Elasto Painters dahil nga sa pagkakaroon ng anim na bagong manlalaro na sina Larry Rodriguez, Paolo Bugia, Doug Kramer, John Ferriols, RJ Jazul at Joshua Vanlandingham.
Makikilatis ang lakas ng Rain Or Shine sa Miyerkules din laban sa Powerade Tigers.
- Latest
- Trending