Perpetual kampeon uli sa Cheerdance
MANILA, Philippines - Bumawi ang Perpetual Help sa ilang pagkakamali sa pyramid routine gamit ang liksi sa pag-tumbling at tosses para mapagtagumpayan ang pagdepensa sa NCAA Cheerleading competition kahapon sa The Arena sa San Juan, City.
Kumabig ng nangungunang 300 puntos ang Perps para mapangunahan ang siyam na paaralang kalahok tungo sa ikalawang cheerdance title sa taong ito matapos mapagharian din ang Fil-Oil/Flying V Pre-season noong Hunyo.
Halagang P100,000 ang napanalunan ng Perpetual habang ang Mapua na nagkaroon ng 290.5 puntos at Jose Rizal na may 289.5 puntos ang kumuha sa ikalawa at ikatlong puwesto at P60,000 at P50,000 gantimpala.
Samantala, sisimulan ngayon ang stepladder knockout game para sa ikaapat at huling puwesto sa juniors division sa The Arena sa San Juan City.
Ganap na alas-10 ng umaga itinakda ang balikatan ng Letran at Jose Rizal at ang mananalo rito ay makakalaban naman ng College of St. Benilde para sa huling tiket sa Final Four.
Nagkasalo sa 9-7 karta ang tatlong nabanggit na koponan upang magkatabla mula sa ikaapat hanggang ikaanim na puwesto kung kaya’t mangangailangan ng double playoff para madetermina ang huling koponan na aabante sa semifinals.
- Latest
- Trending