MANILA, Philippines - Nagbabalak na ang dragon boat team na huwag ng ituloy ang paglahok sa Asian Games sa Guangzhou China.
Naiinis na ang koponan dahil sa patuloy silang hinihingian ng time trial para opisyal na maisama sa Pambansang delegasyon pero hindi pa naman sila makapagsanay sa La Mesa Dam na kung saan dito isasagawa ang qualifying time trial.
“Hanggang ngayon ay hindi pa kami nakakalipat. Ang usapan namin ay kailangang magkaroon muna kami ng training sa venue ng at least 10 days bago isagawa ang time trial,” wika ni technical director Nestor Ilagan.
Binubuo ng 48 katao para sa male at female teams, ang dragon boat ay isa sa mga sinasandalan na magmemedalya sa Guangzhou dahil ang mga ito ay hinirang bilang world champions.
Pero hindi sila agad binibigyan ng direktang pagpasok sa pambansang koponan ng Philippine Olympic Committee (POC) dahil nagpalit ng ilang manlalaro ang koponan matapos lumisan ang orihinal na kasapi nang mawalan ng allowances sa Philippine Sports Commission (PSC).
Nagsasanay sa ngayon ang rowers sa Manila Bay pero iba ang kondisyon ng tubig nito sa pagdarausan sa Asian Games dahil lake ang venue sa Guangzhou at maihahalintulad sa tubig sa La Mesa Dam.
Aminado si Ilagan na bumababa na ang morale ng mga bata dahil sa patuloy na balitang hindi pa kuwalipikado kaya’t isa na sa kanilang alternatibo ay ang kusang umayaw sa pagsama sa Guangzhou.