Bedans gagawa nang kasaysayan
MANILA, Philippines - Unang puwesto sa Finals maliban sa maging kauna-unahang koponan na makagawa ng 16-0 sweep sa NCAA ang magpapainit sa San Beda sa pagharap sa nagdedepensang kampeon na San Sebastian sa pagtatapos ng eliminasyon ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang dalawang koponan na nagkita sa championship noong nakaraang taon ay magtutuos ganap na alas-4 ng hapon at masidhi ang hangarin ng Stags na mapigil ang Lions upang maitakda ang Final Four.
Kung maka-16-0 sweep ang Lions, papasok na sila sa Finals at kailangan silang talunin ng makakalaban na lalabas matapos ang step ladder semis ng tatlong beses.
Tinalo nila sa unang pagkikita ang bataan ni coach Renato Agustin, 88-76, tiwala naman si Frankie Lim na handa ang kanyang mga bata na makumpleto ang kanilang misyon.
“It feels good (15-0) but I want to be 16 and 0. That would be great and something that was never achieved by this program,” wika ni Lim na nahigitan na ang 14-0 record ng Baste noong nakaraang taon.
Isasandal ng Lions ang kampanyang manalo kina Borgie Hermida, Von Lanete, Rome dela Rosa, Jake Pascual at Sudan Daniel. Ang 6’8 center na si Daniel ang siyang puwersa ng koponan sa gitna sa ibinibigay na 10 puntos, 11.5 rebounds at 4.13 blocks.
“Kailangan naming silang talunin dahil walang saysay ang twice-to-beat advantage namin kung walang magaganap na Final Four,” wika pa ni Agustin.
Bago ito ay magtutuos muna ang Mapua at Jose Rizal University sa alas-12 ng tanghali at magkaroon lamang ng magandang pagtatapos na kanilang bibitbitin patungo sa playoffs ang makakamit ng mananalong koponan.
- Latest
- Trending