Margarito puspusan na ang pagsasanay
MANILA, Philippines - Tulad ni Manny Pacquiao, maganda rin ang unang bahagi ng preparasyon ni Antonio Margarito para sa kanilang tagisan sa Nobyembre 13 sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Ito ang binanggit ng trainer ng Mexican boxer na si Roberto Garcia patungkol sa unang bahagi ng pagsasanay na ginawa nila sa bulubunduking lugar ng Siyudad ng South El Monte, California.
“We got a lot done in the first two-weeks and Tony looks great,” wika ni Garcia.
Aniya, iba ang pokus at determinasyon na nakikita niya sa kanyang alagang boksingero na sisikaping wakasan ang dominasyon ni Pacquiao sa mga Mexican boxers.
Bukod pa ito sa pagwawakas sa ginagawang dominasyon ni Pacquiao sa magkakaibang weight divisions dahil ang nakataya sa sagupaan ay ang bakanteng WBC junior middleweight division.
“Our first phase of training camp was an eye opener for him and me. The first two weeks have been really terrific and productive,” dagdag pa ni Garcia na hinawakan din ang pagsasanay nina Brian Viloria at Nonito Donaire Jr.
Mismong si Margarito ay alam ang importansya ng makukuhang panalo lalo nga’t nais niyang alisin sa isipan ng mga mahihilig sa boxing ang pagkakapataw ng isang taong suspension dala ng pagkakatuklas ng kemikal na nagpapatigas sa balot ng kamao nang kinalaban si Sugar Shane Mosley noong Enero, 2009.
“I know how important this fight is to my career and to all of Mexico. That is why I will prepare like never before and will defeat Pacquiao proving to everyone that I’m one of the best fighter in the world,” wika ni Margarito sa fightnews.com.
Lumipat na ng pinagsasanayang lugar ang Team Margarito at nasa Oxnard at dito nga isasagawa ang masinsinang paghahanda kasama ang mga sparring sessions.
Ang Team Pacquiao naman ay nasa Baguio City na at kahapon ay sinimulan ang sparring upang iakyat sa mas mataas na lebel ang pagsasanay ni Pacman.
Si Pacquiao ay sumalang sa 11 rounds sa mitts kasama si Roach at sa kauna-unahang pagkakataon, sumalang rin ang Pambansang kamao sa isometric exercises na inihanda ni conditioning coach Alex Ariza.
- Latest
- Trending