MANILA, Philippines - Tangka ng University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) Junior Altas na maitala ang ika-10 na panalo kontra Arellano Baby Chiefs ngayong alas-12 ng tanghali sa second round ng 86th NCAA juniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Dala ng Junior Altas ang 9-6 kartada sa ilalim ng SBC Red Cubs (14-1) at SSC-R Staglets (11-4).
Asam ng Junior Altas ni coach Tonichi Pujante na maipanalo ang huling laro para makasiguro ng tiket sa Final Four.
Ibabandera ng Las Piñas City-based squad sina Axel Iñigo, Joel Brito, Flash Sadiwa, Topher Negranza at Mark Bitoy.
Sakaling manalo sa Baby Chiefs, ito ang unang pagkakataon na makakapasok sa Final Four ang Junior Altas sapul nang sumali noong 1985.
Kasalukuyang naglalaro para sa Nokia-Under-18 team ang Junior Altas na si Gelo Alolino sa FIBA-18 U Tournament sa Yemen.
Sasandal riin ang Col. Antonio Tamayo- owned university kina John Palisoc, Joville Garcia, Christian Pascual, Joseph Bitoon at Vince Alegre.
Sa unang laban, magtatagpo ang Letran Squires at ang EAC Brigadiers sa alas-10 ng umaga.
Sa seniors division, magtatapat naman ang mga sibak nang Knights at ang Generals sa ganap na alas-2 ng hapon kasunod ang salpukan ng Altas at Chiefs sa alas-4.
Ang Final Four ay kinabibilangan ng San Beda College, nagdedepensang San Sebastian College-Recoletos, Jose Rizal University at Mapua Institute of Technology.