Cuello handa na sa malaking laban matapos pabagsakin si Rachman sa ninth round

MANILA, Philippines - Handa na si Denver Cuello sa mga malalaking laban.

Ito ang ipinakita ng 23-anyos na Filipino fighter nang maging kauna-unahang boksingero na nakahirit ng knockout win laban sa beterano at matibay na si Muhammad Rachman ng Indonesia.

Saksi ang halos 1,500 manonood na tumungo sa Mindanao State University Gym sa Iligan City sa pagpapamalas ng lakas at husay ni Cuello sa 39-anyos na katunggali para mapanatili pang suot ang idinepensang WBC International minimumweight title.

Pinahalik ni Cuello sa lona si Rachman sa ikalimang round pero natapos ang laban sa ninth round nang ma­sapol niya ng isang malakas na right hook ang umaatras na Indonesian challenger.

Minabuti naman ni referee Bruce McTavis na itigil ang laban may 1:03 pa sa orasan dahil hindi na sumusuntok si Rachman.        

“Malakas pa rin dahil nasaktan niya ako sa fourth round. Kaya hindi ako nagmadali at naghintay ng tamang tiyempo,” wika ni Cuello na napaganda ang karta sa 22 panalo sa 31 laban kasama ang 13KOs.

Nalaglag naman si Rachman, dating WBC minimum­weight champion sa kanyang pang siyam na kabiguan sa 76 laban pero unang pagkakataon siyang natalo sa pamamagitan ng knockout.

Ito rin ang ikatlong sunod na kabiguan at pang apat sa huling limang laban ni Rachman na nais na nitong magretiro matapos ang isa pang pag-akyat sa ring na balak gawin sa Indonesia.

Inihayag naman ni promoter-manager Aljoe Jaro ang planong idepensa pa ni Cuello sa huling pagkakataon ang titulo bago magdesisyon kung aakyat na ba ng timbang sa susunod na taon.

“Dadalo ako sa WBC Convention sa Cancun, Mexico para malaman kung mabibigyan si Denver ng pagkakataong lumaban sa world title. Pero ang plano, magkakaroon siya ng laban sa December 7 at ihaharap ko siya kay Wanheng Menayothin ng Thailand at matapos nito ay aalamin namin ang sunod na hakbang,” pahayag ni Jaro.

“Walang problema sa akin ang pag-akyat dahil kung sa 105 ay nakukuha ko ang timbang, mas madali kong makukuha kung nasa 108-pound division na ako,” wika naman ni Cuello.

Show comments