MANILA, Philippines – Nagbabagang paglalaro ang nasilayan sa two-time defending champion Ateneo tungo sa 72-49 pagdurog sa FEU sa pagbubukas ng 73rd UAAP men’s basketball Finals kahapon sa Araneta Coliseum.
Lahat ng ginamit ni coach Norman Black ay kuminang upang itala ang pinakatambak na laro sa finals matapos ang 72-47 tagumpay ng Tamaraws sa La Salle sa Game One ng 1998 championship series.
“I did not expect to win this big,” ani Black na lumapit sa isang laro upang maibigay sa Ateneo ang kauna-unahang 3-peat title.
“But we really came prepared for this game. We know the things that we need to do and we got out and ran our plays well,” dagdag pa nito.
Sa unang yugto pa lamang ay umalagwa na sa 26-8 kalamangan ang Eagles at mula rito ay hindi na nila nilingon pa ang Tamaraws na nangunang koponan sa eliminasyon.
“It’s very disappointing,” wika ni FEU Athletic moderator Mark Molina na siyang kumatawan sa koponan sa post-game interview.
Ang matibay na depensa ng Eagles ay nagresulta sa 15-0 fast break points at nanalasa nga nang husto sa aspetong ito si Kirk Long na nagtapos taglay ang 14 puntos sa 5 of 7 shooting.
Ang pinangambahan na bentahe ng FEU sa front line ay hindi rin nagkatotoo dahil nagdomina pa ang Eagles nang maghatid sina Justin Chua at Nico Salva ng 13 at 10 puntos habang ang bihirang magamit na si JP Erram ay may limang supalpal bukod sa apat na puntos at tatlong rebounds.
Sina RR Garcia at Terence Romeo ay mayroong 11 at 10 puntos pero ang ibang inaasahan tulad nina Aldrech Ramos at Reil Cervantes ay tumapos sa pinagsamang 13 puntos.
Si Cervantes ay hindi nakagawa ng field goal sa kabuuan ng laro at ang lahat ng pitong puntos ay iniskor sa 15-foot line.
Ang bench din ng FEU ay hindi rin nakatulong dahil may 12 pinagsamang puntos lamang sila sa kabuuan ng tagisan.
Ang Game Two ay gagawin sa Huwebes .