PSC commissioner Loyzaga guest sa PBAPC awards Night
MANILA, Philippines - Isang pamilyar na mukha ang magiging panauhing pandangal upang sumaksi sa pagbibigay parangal sa mga natatanging indibidwal na kuminang sa nakalipas na season ng Philippine Basketball Association.
Muling makakahalubilo ng liga ang isa sa mga naging sikat na manlalaro nito na si Philippine Sports Commission Commissioner Chito Loyzaga sa gaganaping PBA Press Corps Annual Awards sa Setyembre 29 sa Sapphire Room ng Gateway Shopping Mall sa Cubao sa alas-7:30 ng gabi.
Mula noong 80’s hanggang sa unang bahagi ng 90’s, ang 52-year old na si Loyzaga na nagsuot ng uniporme para sa apat na koponan kabilang ang crowd drawer na Barangay Ginebra ay ang kauna-unahang manlalaro ng PBA na naging commissioner ng PSC.
Kabilang sa mga parangal na ibibigay sa gabing iyon ay ang Virgilio “Baby” Dalupan Coach of the Year Award, Danny Floro Executive of the Year, Defensive Player, Comeback Player, Mr. Quality Minutes, All-Rookie Team at ang Referee of the Year.
Itatampok rin sa naturang programa ang pagbibigay pugay sa pumanaw na Manila Bulletin assistant sports editor at dating presidente ng press corps na si Willie Caballes sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation.
Noong nakaraang taon matapos ang pananalasa ng bagyong Ondoy at Pepeng, ginawad ng press corps sa PBA Office sa Libis ang Coach of the Year plum kay Talk N’ Text head tactician Chot Reyes habang tinanggap naman ni San Miguel Corporation chief executive at dating ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco ang Executive of the Year award.
Ang dating Air21 hotshot at ngayo’y San Miguel Beer defensive stalwart na si Arwind Santos ang tinanghal na Defensive Player of the Year at nakipagsalo kay Talk N’ Text chief quarterback Jimmy Alapag sa Order of Merits bilang mga PBAPC Player of the Week na kanilang nakuha ng tatlong beses.
Si Air21 ace guard Wynne Arboleda naman ang Best Defensive Player sa ikalawang sunod na pagkakataon habang nakuha naman ni Tropang Texters spitfire Jason Castro ang Mr. Quality Minutes plum at si Mike Cortez ay binigyan ng Comeback Player of the Year award. Nakuha naman ni Aldaba ang award sa pinakamagaling na referee ng taon.
- Latest
- Trending