Cuello VS Rachman ngayon na
MANILA, Philippines - Taglay ang mas mahusay na boxing skills bukod sa angking lakas sa pagsuntok, tiwala ang kampo ni Denver Cuello na mapapatulog niya si Indonesian Muhammad Rachman sa tapatan ng dalawa sa Mindanao State University Gym sa Iligan City ngayong gabi.
Itataya ng 23-anyos na si Cuello ang suot na WBC international minimumweight crown sa 39-anyos na si Rachman, ang boksingerong inagawan naman ng WBC title noong 2007 ng ka-stablemate ni Cuello na si Florante Condes.
“Si Condes puro lakas lamang at napatumba niya ng dalawang beses si Rachman sa kanilang laban sa Jakarta kaya nanalo ng split decision. Pero si Cuello, mas may skills ay kasing lakas ni Condes. Kaya naniniwala ako na siya ang unang boksingero na makaka-knockout o di kaya ay magpapaayaw kay Rachman,” wika ng promoter/manager Aljoe Jaro.
Ang laban ay mapapanood naman sa GMA-7 bukas ng alas-10 ng umaga.
Walang hirap na nalusutan ng dalawang magsasagupa ang fight weight limit sa weigh in kahapon sa Gaisano Mall nang kapwa pumasok sa 105-pounds.
Kailangang manalo si Cuello (21-4-5, 12KO) upang maitaas uli ang ranking na sa ngayon ay nasa ika-apat sa WBC.
Halos isang taon siyang number one challenger kay WBC champion Oleydong Sithsanerchai ng Thailand.
Pero bumaba ang ranking ni Cuello nang lumasap ng kontrobersial na third round disqualification na pagkatalo kay Juan Hernandez ng Mexico sa WBC title eliminator.
Kaya nito ang isa sa inspirasyon niya para gapiin si Rachman at magkaroon pa rin ng pagkakataon na mapalaban sa world title bago matapos ang taong ito.
May 62-8-5 kasama ang 31 KO si Rachman sapul ng magsimula sa pro boxing noong 1993 pero nakalasap ito ng mga kabiguan sa kamay nina Filipino boxers Condes (2007), Milan Melindo (Marso 14, 2009) at kay Oleydong sa tangkang agawin ang titulo na nangyari noong Mayo 29, 2009 sa Thailand.
- Latest
- Trending