Proseso sa Philippine Citizenships nina Douthit, Zheng gumulong na
MANILA, Philippines - Gumulong na ang proseso na maggagawad ng Philippine Citizenships sa mga dayuhang basketbolistang sina Marcus Eugene Douthit at Xiaojing Zheng.
Pumasa sa House Committee on Justice na pinamumunuan ni Iloilo congressman Niel Tupas ang panukalang dalawang batas ni Antipolo Congressman Robbie Puno matapos kumatig ang mayorya sa isinagawang botohan.
Umabot sa 14 kasapi mula sa kabuuang 19 mambabatas ang bumoto pabor sa panukalang batas upang makaabante na ito sa una sa mahabang prosesong kailangang daanan para maganap ang pagbibigay ng Filipino citizenship sa dalawang manlalaro gamit ang naturalization.
Matapos ang committee level, aakyat ang panukalang batas sa plenary session at didinggin ito ng tatlong beses. Kung pumasa uli ay saka ito aabot sa Senado upang muling busisiin. Kung walang tumutol ay saka lamang magiging ganap na ang batas.
“Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng session ang Committee on Justice na ang tinalakay ay hindi patungkol sa impeachment. Kaya malaking tagumpay ito dahil agad na nakapasa ang panukalang batas dahil kung hindi ito agad lumusot ay hindi na ito matatalakay pa,” wika ni Congressman Puno.
Ipinaliwanag nina Puno at Samahang Basketbol ng Pilipinas executive director na kailangang-kailangan ng bansa ang serbisyo nina Douthit at Zheng dahil ang mga kalabang bansa sa rehiyon maliban sa China, ay may mga naturalized players.
Nasa hearing sina Douthit at Zheng at sila ay sinuportahan ng ibang kasapi ng women’s basketball team at ni Serbian coach Rajko Toroman.
Umaasa naman si Eala na mapapadali ang proseso upang makalaro ang 6’11” center sa magaganap na Asian Games sa Guangzhou, China mula Nov. 12.
- Latest
- Trending