MANILA, Philippines - Kung may dalawang bagay man na itinuturing na magiging susi para sa pag-uuwi ng pinakaaasam na korona ng V-League, ito ay ang patuloy na magandang laro at ang matinding depensa.
Ayon kay San Sebastian-Excelroof coach Roger Gorayeb, ang pinakamahalagang bagay na magbibigay sa kanila ng tagumpay para sa kanilang paghahanap ng kampeonato, ito ay ang pagpapanatili ng kanilang magandang laro.
“If we could play consistently aggressive and continue to stay focused from start to finish, we have a strong chance of winning a championship again,” saad ni Gorayeb matapos igiya ang kanyang Lady Stags sa four-set na panalo noong Linggo upang maipilit ang winner-take-all na laban para sa kampeonato ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7.
Para naman kay Adamson head tactician Minerva Dulce Pante, ang kanilang matinding depensa ang maghahatid sa kanila sa kanilang ikalawang tropeo sa liga.
“Our main strength is our defense. If we could find a way to impede their attacking game, we’ll have a chance,” giit ni Pante patungkol sa kanyang koponan na nangakong mas paiigtingin nila ang kanilang depensa na naghatid sa kanila sa Finals ng liga at nagbigay sa kanila ng sweep sa quarterfinals at sa semis.
At sa kanilang huling pagduduwelo para sa season na ito bukas, inaasahan na muli na namang gagawa ng mga bagong adjustments ang dalawang multi-titled na coach para sa kani-kanilang koponan na may magkaibang istilo ng paglalaro.
Matapos pumalpak sa unang tatlong tangka na talunin ang San Marcelino-based spikers, nairehistro ng mga taga-Recto ang kanilang unang tagumpay laban sa mga ito sa larong hindi sila dapat matalo ng sila ay magpakawala ng matinding atake para ukitin ang 24-26, 25-23, 25-22, 25-20 na tagumpay sa Game Two ng kanilang best-of-three finals series.
Si Jeng Bualee na tinanghal na Best Scorer sa ikaapat na pagkakataon ang siyang namuno sa naturang tagumpay ng San Sebastian sa kaniyang 27 points kabilang ang 26 kills na bumutas sa depensa ng Adamson habang sila Joy Benito, Suzanne Roces at Elaine Cruz naman ay nagsanib para sa 43 puntos.