MANILA, Philippines - Sa maaaring maging preview ng titular showdown para sa taong ito, pinadapa ng University of Manila ang STI Colleges, 79-76 sa overtime sa pagpapatuloy ng 10th edisyon ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) kahapon sa UM gym sa Sampaloc, Maynila.
Nagbuslo ng mga mahahalagang puntos ang ROY ng nakaraang season na si Jeff Alvin Viernes at ang isa pang premyadong hugot na si Eugene Torres para sa Jojo Castillo-coached Hawks na nag-aasam na makapasok sa finals sa ikalawang sunod na taon matapos matalo sa nagtatanggol na San Sebastian College-Cavite noong isang taon.
Bagaman sigurado na sila para sa twice-to-beat na bentahe sa Final Four, ipinakita ng five-time titlists na UM ang kanilang tikas upang gapiin ang Olympians sa scoring sa ekstrang limang minute, 16-13 patungo sa kanilng ika-15 na tagumpay sa 17 na laro.
Ang tubong Isabela na si Viernes ay naglista ng 17 puntos kabilang ang pito mula sa 16 ng Hawks sa overtime habang si Torres naman ay nagdagdag ng 11 puntos, apat mula sa extra period.
Nahulog naman sa kanilang ikatlong kabiguan sa 17 na laro ang Olympians na lumaro ng wala ang kanilang head coach na si Vic Ycasiano.
Sa isa pang laro na umabot din sa overtime, naitakas naman ng Centro Escolar University ang 93-88 na tagumpay kontra sa AMA Computer University para palakasin pa ang kanilang kampanya sa Final Four sa kanilang 12-5 na baraha.
Sa junior’s naman, ginaya ng UM Hawklets ang Hawks ng kanila ring pigilan ang St. Clare College- Caloocan, 84-79 sa overtime.