MANILA, Philippines - Pag-aagawan ng opening-day winners Manuel Luis Quezon University at ng Star Group of Publications ang maagang solong liderato sa kanilang paghaharap ngayon sa pagbabalik aksyon ng 2010 MBL Invitational basketball championship sa Lyceum gym sa Intramuros, Manila.
Asahan na ang mahigpitang labanan sa pagitan ng Stallions nina coach Sherman Crisostomo at manager Ma. Victoria Chan at Starmen na gagabayan naman nina coach Rene Recto at manager Mike Maneze sa alas-7 ng gabing engkuwentro.
Naka-buwenamano ang MLQU ng talunin ang Lyceum of the Philippines, 73-72, habang hiniya naman ng Star Group ang EJM Pawnshop, 62-58 sa dalawang pares na kasiya-siyang salpukan sa torneong ito na tatagal ng dalawang buwan at may suporta mula sa Smart Sports, Dickies Underwear at PRC Courier.
Muling sasandalan ng tropa ni Recto ang matikas na performance nina Jong Bondoc, Dennis Rodriguez, Virgilio Roque at dating national team standout na si Cris Corbin upang ihatid ang Starmen sa ikalawang sunod na panalo.
Ngunit batid ni Recto na hindi madaling kalaban ang Stallions kung saan siguradong gagawa ito ng malalim na taktika upang pigilan ang tangkang panalo ng Starmen.
At inaasahang ibabalandra ng Stallions sina Jopher Custodio, nagbida sa dramatikong come-from-behind na panalo ng MLQU sa Lyceum, katulong ang mga beteranong sina Jack Manalansan, Alvin Vitug at Erick Dizon.
Gayunpaman, hindi basta-basta isusuko ng Starmen ang laban at siguradong may nakahandang game plan si Recto na iikot naman kina Randel Reducto, Mario Geocada, Gerald Ortega, Lester Reyes, Bong Martinez at ang pinakabeterano at itinuturing na puso ng koponan si Alfred Bartolome na maasahan sa opensa.
Samantala, sisimulan naman ng Wang’s-Ballclubs ang pagdepensa ng kanilang korona sa pakikipagharap sa Air Force sa alas-8:30 ng gabi.