Reyes sinibak si Orcollo
MANILA, Philippines - Isang Pinoy pa rin ang maaaring lumabas na kampeon sa idinadaos na 10th Predator International 10-ball Championship sa SM North Edsa.
Nabigo si Dennis Orcollo sa hangaring maidepensa ang titulong pinanalunan noong nakaraang taon kay Ralf Souquet ng Germany nang maubos siya kay Efren “Bata” Reyes sa panimula ng Last 16 na isinagawa sa race to 9, winner’s break format.
Ipinamalas ni Reyes ang angking husay sa pagtumbok nang kunin ang pito sa sumunod na siyam na racks na pinaglabanan matapos ang 2-2 iskor tungo sa 9-4 tagumpay kay Orcollo.
Si Reyes na isa sa walong manlalarong umabante sa knockout stage mula sa loser’s group ay nakaabante sa Last 8 at nananatiling matibay pa ang hangaring maibaon sa limot ang di magandang ipinakita sa nakalipas na World Cup of Pool.
Bigo man si Orcollo ay matibay naman ang kampanya ng mga Pinoy cue artist dahil isa na lamang ang dayuhang palaban sa kampeonato at $12,000 unang gantimpala na nakataya sa torneo.
Tanging si Rodney Morris na lamang ang buhay pa sa hanay ng mga dayuhan matapos niyang lusutan si John Mora ng Canada sa mahigpitang 9-8.
Ang iba pang Pinoy na umabante sa Last 8 ay sina Antonio Lining, Lee Vann Corteza, Warren Kiamco at Jeff De Luna.
Si Lining ang masasabing kumuha ng malaking panalo sa hanay ng pambansang kalahok nang pagpahingahin niya ang kasalukuyang number one player na si Mika Immonen ng Finland, 9-6.
Naunang umalagwa si Immonen sa 4-2 iskor pero hindi niya kinaya na maipagpatuloy ang maagang paglayo upang mamahinga na rin sa torneo.
Si Corteza ay namumuro pa rin sa tangkang masundan ang pagkapanalo sa Predator Sweet 16 sa pamamagitan ng 9-5 panalo kay Jun Mazon, si Kiamco ay nangibabaw kay Ramil Gallego, 9-6, habang si De Luna ay dinaig ang gaya niyang nagbabalik sa pool na si Alex Pagulayan, 9-7.
Ginanap kagabi ang labanan sa Last 8 at nagkatapat sina Reyes at De Luna, Morris at Kiamco at Lining at Corteza.
Ang huling laro sa quaterfinals ay sa pagitan ng mananalo kina Ronnie Alcano at Carlo Biado at Elvis Calasang at Roberto Gomez.
- Latest
- Trending