Orcollo, 5 pang Pinoy umusad sa Last 32
MANILA, Philippines - Tinalo ni Dennis Orcollo si Corey Deuel ng US, 8-7, upang mapabilang sa limang Filipino cue artist na umusad sa knockout stage mula sa winner’s bracket ng 10th Predator International 10-ball Championship kagabi sa SM North Edsa.
Ang nagbabalik na si Alex Pagulayan ay nangibabaw din kay Charlie Williams ng US, 8-5, habang sina Lee Van Corteza, Ronato Alcano at Roberto Gomez ay nakalusot laban sa mga kababayan upang mapabilang sa manlalarong uusad sa Last 32 mula sa winner’s group.
Sariwa sa pagkapanalo sa Last 16 ng Predator kamakailan, namuro si Corteza sa ikalawang sunod na kampeonato sa bansa nang malusutan si Ramil Galleo, 8-7.
Si Alcano ay mas kuminang kay Efren “Bata” Reyes, 8-5; habang si Gomez na isang qualifier ay nanalo naman sa stablemate na si Carlo Biado, 8-6.
Ang mga natalo naman ay nalaglag sa loser’s bracket at kailangan manalo sa mga makakalaban upang mapabilang sa mga uusad sa knockout stage mula sa nasabing bracket.
Nanatili namang buhay pa ang kampanya nina Marlon Manalo, Warren Kiamco, Antonio Lining at Jeff De Luna nang manalo sa kanilang laro sa one-loss side laban sa mga kapwa Pinoy.
Si Manalo ay pinagpahinga ang kababayang si Judy Villanueva, 8-3, si Kiamco ay nakalusot kay Francisco Bustamante, 8-7, si Lining ay dinurog si Demosthenes Pulpul, 8-2 habang ganitong iskor din nanalo ang Doha Asian Games silver medalist De Luna kay Edgar Acaba.
Ang Last 32 ay bubuuin ng 16 na manlalaro mula sa winner’s side at loser’s bracket at maglalaban sa knockout race to 9 format hanggang madetermina kung sino ang lalabas na kampeon sa edisyong ito.
Ang hihiranging kampeon ay magbibitbit ng $12,000 habang ang mga matatalo sa unang laro sa Last 32 ay tatanggap naman ng $625 premyo.
- Latest
- Trending