Pigilan ang FEU pakay ng La Salle
MANILA, Philippines - Ibaon sa limot ang di magandang nangyari noong nakaraang taon ang isa sa pakay ng FEU sa pagsisimula ng 73rd UAAP men’s basketball Final Four ngayon sa Araneta Coliseum.
Babangga ang Tamaraws sa La Salle sa pagsisimula ng aksyon sa semifinals ganap na alas-4 ng hapon at kailangan lamang manalo ng tropa ni coach Glen Capacio para makuha ang karapatang umabante sa Finals.
Ang makukuhang tagumpay ay makakatulong din upang makabawi ang Tamaraws sa pagkatalo ng koponan sa UE sa nagdaang edisyong Final Four na kung saan ang FEU ay may tangan din na twice to beat advantage.
“May rason ang bawat kabiguan at ang nangyari sa amin noon ay nawala si Mark Barroca. Malaking bagay ito para sa amin. Ngayon wala na kaming rason para matalo,” wika ni Capacio.
Naghati ang Tamaraws at Archers sa dalawang pagkikita sa eliminasyon at una ang FEU sa 84-80 double overtime panalo noong Hulyo 29 bago nakabawi ang La Salle sa pamamagitan ng 80-66 tagumpay noong Agosto 28.
Pero angat ang FEU dahil sa karanasang taglay sa paglalaro sa Final Four.Mangunguna sa koponan si RR Garcia na siyang hinirang bilang Most Valuable Player ng torneo.
Makakatulong niya ang mga beterano ring sina Aldrech Ramos, Reil Cervantes, at rookie Terence Romeo na hinirang din bilang Rookie of the Year.
Ang mga beteranong sina Simon Atkins, Maui Vilanueva at Joshua Webb huhugot ng lakas ang Archers para mapalawig sa sudden death ang kanilang tagisan.
Ang ikalawang Final Four sa pagitan ng number two seeds at nagdedepensang Ateneo at third seeds Adamson ay magaganap naman sa Linggo.
- Latest
- Trending