Aces, Llamados nasa unahan ng dalawang brackets para sa PBA All Filipino Cup
MANILA, Philippines - Pangungunahan ng Alaska Milk ang Group A habang ang B-Meg Derby Ace naman ang mamumuno sa Group B sa team bracketing sa kabuuan ng elimination round ng 2010-11 PBA Philippine Cup na magsisimula sa Oktubre 3 sa Araneta Coliseum.
Kasama ng Aces, ang Fiesta Cup titlists sa nakaraang season ang crowd-favorite na Barangay Ginebra Kings, Talk N’ Text Tropang Texters, Meraclo Bolts B-Boys at Air21 Express habang kasama ng Llamados ang San Miguel Beermen, Rain or Shine Elasto Painters, Powerade Tigers at Barako Energy Coffee Masters.
Ang sampung koponan ay hinati sa dalawang grupo base sa kanilang standings noong nakaraang season.
Sa paparating na All-Pinoy tourney, ang sampung team ay lalaro sa 14 na laro sa eliminations. Ang magkaka-grupo ay maghaharap ng isang beses habang dalawang beses nilang makakalaban ang mula sa ibang grupo.
Magsisimula ang paparating na season ng kauna-unahang pro league sa Asya sa bakbakan ng Barangay Ginebra at baguhang Meralco Bolts. Ang nag-iisang laro sa opening day ay sa ganap na alas-6 ng gabi pagkatapos ng opening ceremonies sa alas-4:15 ng hapon.
Ang nagdedepensang All-Pinoy titlists naman na B-Meg Derby Ace ay sisimulan ang kanilang pagtatanggol sa titulo sa Oktubre 6 laban sa Talk N’ Text sa ganap na alas-7:30 ng gabi kasunod ng pagsusukatan ng Rain or Shine at Powerade na noo’y kilala bilang Coca Cola sa alas-5.
Sisimulan naman ng Fiesta Cup winners na Alaska ang bagong season sa kanilang pakikipagbuno sa Barako Coffee sa Oktubre 8 sa alas-5 ng hapon. Sa araw na iyon din bubuksan ng San Miguel ang kanilang kampanya laban sa Air21 na ibabandera ang mga prized picks na sina Noy Baclao at Rabeh Al-Hussaini.
Ang dalawang koponan na nasa ilalim ng standings sa pagtatapos ng preliminary round ay awtomatikong tanggal na, habang ang walong koponan ay aabante sa playoffs.
Ang top two teams naman ay magkakaroon ng twice-to-beat na bentahe laban sa ikapito at ikawalong koponan sa quarterfinals. Dadaan naman sa best-of-three series ang paghaharap ng number 3 at number 6 at ng number 4 at number 5. Ang semis at finals ay isang best-of-seven affair.
- Latest
- Trending